(Nalathala sa PINOY KLASIKS,
Setyembre 15, 1974)
Dinukal ng lipi... inusal ng lahi,
Kasangkapang banal sa pakikibati;
Landas ng isipan, tulay ng ugali...
Sumilang na Wikang taginting ng labi.
Buhat sa lagablab ng mga dantaon
Hanggang paraiso ng dakilang Quezon,
Minimithi-mithi't nilalayun-layon:
Ibansag ang Wika sa habang panahon.
Ang yaman ng Lahi'y dapat ipagbantog,
Diwa ni Balagtas ang kusang itampok;
Gamitin ang atin, ang Wikang Tagalog--
Ang wikang banyaga'y ariing panusog!
Bunga'y mahihinog kung ang diwa't gawa
ay magkakasukob sa payung-salita:
Bago ang halaman magbigay-biyaya--
Ulani't arawin sa dibdib ng tiyaga!
(Inunan ng Wika ay ating hanapin
Sa namuong bakas ng tubig at uling;
Baka masilayang Sanggol na ubanin
Sa Bagong Panahon itong Wika natin!
-- NORLITO ISON CERVO
Panitik Binangonan
Balangay 47, KAWIKA
Pandayang Sikap
Binangonan, Rizal
No comments:
Post a Comment